ANG PAGLILITIS KAY MANG
SERAPIO
Ni Paul Dumol
Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang
Tagapagtanong) O, sige na.
Ikalawang Tagapagtanong: Sige. (Lalakad sila
sa harap ng kanilang mesa)
Dalawang
Tagapagtanong: (Sa
mga manonood) Narito ho kayo upang panoorin ang isang paglilitis, dahila’y ang
krimen ng isang pulubing huling- huli namin. Si Mang Serapiong pisat at
surutin. (Tatakbo sila sa kanilang mesa.) Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin
dito ang nasasakdal! Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito agad!
Hahalakhak, hihiyaw, at papalakpak ang mga
Pulubi. Hihilahin ng dalawang bantay si Mang Serapio sa gitna ng silid at iiwan
doon. Katahimikan.
Unang Tagapagtanong: Magandang gabi, ginoo.
Serapio: Magandang gabi rin ho.
(Sandaling titigil) Mga ginoo –
Dalawang Tagapagtanong: Silencio!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita habang
kami’y nagsasalita.
Ikalawang Tagapagtanong: Bastos ang
nagsasalita habang may nagsasalita pa.
Unang Tagapagtanong: (Sa mga manonood)
Patawarin ho ninyo siya. Talagang ganyan ho ang waLang kapangyarihang tulad
niya: mangmang, at yan nga ang suliranin ng mga may kapangyarihang, tulad
namin.
Ikalawang
Tagapagtanong: Tumindig
ka nang matuwid!
Unang Tagapagtanong: Ba’t ka ba galaw nang
galaw?
Serapio: Gusto ko lang malaman kung
ano ang krimen ko. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Hindi mo ba alam?
Serapio: Hindi ho.
Unang Tagapagtanong: A, problema mo na ‘yon. (Sa
mga manonood) Pag-aaruga ng bata ang krimen niya. (Biglang titindig ang tatlong
saksi)
Tatlong saksi: Pag-aaruga,
pag-aaruga, pag-aaruga ng bata.
Unang tagapagtanong: (Sa mga manonood) Krimen
sapagkat ang pag-aaruga ng bata ay panunuksong gumasta.Samakatuwid nawawalan ng
pera ang federacion. Nahuli siya ng tatlong kasapi nitong federacion. Narinig
siyang nagsasalita sa anak niya at alam pa nila ang pangalan ng anak niya- Sol.
Pormalidad na lamang itong paglilitis.
Hukom: Pormalidad na rin ho ang
hatol ko.
Unang tagapagtanong: Ang parusa niya ay nais
panoorin nitong mga pulubi. Siya’y bubulagin. (Bubungisngis at tatawa ang mga
pulubi) Ginoong Serapio, mabuti ba’ng tulog mo?
Serapio: Oho.
Ikalawang
Tagapagtanong: Nakakain
ka na ba?
Serapio: Oho.
Unang tagapagtanong: Magaling! Handang-handa ka
sa paglilitis mo. Ilang araw mo nag suot ‘yang kamisadentro mo?
Ikalawang
Tagapagtanong: Ikaw
ba’y naghilamos na?
Unang Tagapagtanong: Naligo?
Ikalawang
Tagapagtanong: Nagpunas
man lang?
Unang Tagapagtanong: (Sa bantay) Na-spray mo na
ba siya?
Hukom: (Pupukpukin nang
dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis! (Sa mga manonood) Sa
siyam na taon sa federaciong ito bilang hukom, wala pa akong nakikilalang
tagapagtanong na kasindaldal nitong dalawa. (Pupukpukin nang dalawang beses ang
kanyang podium) Ituloy ang paglilitis?
Unang Tagapagtanong: Bueno! Ginoong
Serapio, sabihin mo sa amin- (Babatuhin si Serapio ng ikalawang tagapagtanong
ng yeso o anumang maliit na bagay)
Ikalawang Tagapagtanong: Tumindig ka ng
matuwid!
Unang Tagapagtanong: Sabihin mo sa amin
ang pangalan mo.
Ikalawang tagapagtanong: Pangalan!
Serapio: Serapio, ho.
Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang
Tagapagtanong) Serapio.
Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ho?
Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ano ho?
Dalawang
Tagapagtanong: Serapio
ano?
Serapio: Serapio.
Unang Tagapagtanong: Serapio Serapio?
Serapio: A, hindi ho, Serapio lang.
Ikalawang
tagapagtanong: (Habang
sumusulat sa kwaderno) Serapio lang.
Unang Tagapagtanong: Ocupacion?
Ikalawang
tagapagtanong: Ocupacion?
Serapio: Wala. Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Ano, wala kang ocupacion?
Serapio: Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Hindi ba isa kang pulubi?
Serapio: Oho.
Unang Tagapagtanong: Ocupacion mo ‘yon. (Susulat
ang Ikalawang Tagapagtanong sa kwaderno) Classificacion.
Ikalawang
tagapagtanong: Classificacion.
Serapio: Classificacion?
Dalawang
Tagapagtanong: CLASSIFICACION!
Ikalawang
tagapagtanong: Ano
ang classificacion mo bilang pulubi? Namamakaawa o aliwan?
Unang Tagapagtanong: Pakunwari o karaniwan?
Ikalawang
tagapagtanong: Ikaw
ba’y nagrerenta?
Unang Tagapagtanong: Ng sanggol o bata?
Ikalawang
Tagapagtanong: Upang
akitin nga…
Unang Tagapagtanong: Ang luha ng madla?
Dalawang
Tagapagtanong: ‘Yan
ang uring nagmamakaawa.
Ikalawang
Tagapagtanong: ‘Yan
ang uring nagmamakaawa.
Ikalawang
Tagapagtanong: O
tumutugtog ka ba ng silindro o gitara, dram, o kahit na banda, o rondalla?
Unang Tagapagtanong: Kasama ng sayaw o kundi
nama’y kanta nang madla’y maaliw at bigyan ka ng kwarta?
Dalawang
Tagapagtanong: ‘Yan
ang uring aliwan.
Unang Tagapagtanong: Maaari naman ding
nagkukunwari ka, ika’y ipinaglihi sa isang palaka.
Ikalawang
Tagapagtanong: O
kung hindi naman ika’y isang palso, ngunit isang palsong palsipikado.
Dalawang
Tagapagtanong: Pakunwaring
bingi, bulag, pilay, pipi, madla’y madaya man ikaw nama’y yayaman. ‘yan ang
uring pakunwari.
Ikalawang
Tagapagtanong: Walang
guniguni ang nasa huling uri.
Unang Tagapagtanong: Mga tunay na pipi, bulag,
pilay, bingi.
Dalawang Tagapagtanong: Walang guniguni.
Unang Tagapagtanong: Wala ring salapi.
Dalawang
Tagapagtanong: Talagang
ganyan ang buhay ng nasa huling uri: ang uring karaniwan.
Unang Tagapagtanong: Alin ka sa apat?
Nagmamakaawa o aliwan?
Ikalawang
Tagapagtanong: Pakunwari
o karaniwan? (Sandaling tigil)
Serapio: Ang huli ho. (Susulat ang
ikalawang tagapagtanong sa kwaderno)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Hukom, ano ang
gagawin namin ngayon?
Hukom: Patibayan na ninyo ang
krimen niya. (Biglang tindig ang tatlong saksi)
Tatlong Saksi: (Sa mga manonood) Patibayan
na ang krimen niya. Patibayan na ang krimen niya.
Dalawang
Tagapagtanong: Bueno.
Ginoong Serapio, may asawa ka na ba?
Ikalawang
Tagapagtanong: Isang
kabiyak?
Dalawang
Tagapagtanong: Isang
babaing bumahagi sa puso mo? (Sandaling tigil) Babaing nakasal sa harap ng
altar, sa opisina ng gatpuno, o iba pang lugar. (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano, Ginoong Serapio,
sagutin mo ang tanong.
Ikalawang
Tagapagtanong: Napakasimple.
Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba? (Sandaling
tigil)
Serapio: Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, di ka
dapat mahiya.
Ikalawang
Tagapagtanong: Sabihin
mo ang totoo.
Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba?
Serapio: Wala ho. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Iibahin ko ang tanong. May
asawa ka ba noon?
Dalawang
Tagapagtanong: Asawa
na ngayo’y nagsasaya sa bahay ng Diyos o bahay ng iba? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano? Malinaw na malinaw
ang tanong ngayon. May asawa ka ba noon? (Katahimikan) Ginoong Serapio,
nakapagtataka ‘yang katahimikan mo.
Ikalawang
Tagapagtanong: May
asawa ka ba noon? (Sandaling tigil)
Serapio: Oo.
Dalawang
Tagapagtanong: Ayan!
Serapio: Ngunit siya’y patay na.
Unang Tagapagtanong: A, wala. Basta’t inamin
mong may asawa ka na nga.
Hukom: (Pupukpukin ng Hukom ang
podium niya ng dalawang beses) Magaling! (Sa mga manonood) Napakabilis ng aming
mga paglilitis sapagkat lahat ng aming mga tagapagtanong ay matatalino at
magagaling.
Mga
Pulubi: (Biglang
titindig ang mga pulubi’t papalakpak) Magagaling! Magagaling! Magagaling!
(Yuyuko ang mga tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, nagkaroon
ka ba ng anak?
Ikalawang
Tagapagtanong: Buhat
sa kasal na yaon?
Unang Tagapagtanong: Buhat sa inyong pagsasama?
Ikalawang
Tagapagtanong: Buhat
sa inyong pag-aasawa? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, tahimik ka
na naman.
Ikalawang
Tagapagtanong: Wala
kang sinasabi.
Unang Tagapagtanong: Wala kang imik.
Dalawang
Tagapagtanong: Pasidhi
nang pasidhi ang aming pananabik.
Unang Tagapagtanong: Nagkaroon ka ba ng anak?
(Katahimikan)
Dalawang
Tagapagtanong: Payat
na payat, tuyung-tuyo pa. Walang alinlangang wala siyang modta.
Ikalawang
Tagapagtanong: Nagkaroon
ka ba ng anak? (Lalapitan si Serapio ng Ikalawang Tagapagtanong)
Serapio: Ba’t ninyo tinatanong ‘yan?
Unang Tagapagtanong: Aba! Pilosopo!
Serapio: Ano ba ang krimen ko?
Dalawang
Tagapagtanong: (Tatakbo
ang dalawang tagapagtanong sa likod ng mesa) Ginoong Serapio!
Serapio: Patawarin ho ninyo ako
ngunit -
Unang Tagapagtanong: Wala ka bang utak?
Ikalawang Tagapagtanong: Isip?
Unang Tagapagtanong: Katiting na katalinuhan?
Tandaan mo kung sino ka!
Ikalawang
Tagapagtanong: Isang
pulubi.
Unang Tagapagtanong: Hamak.
Dalawang
Tagapagtanong: Kulisap!
Unang Tagapagtanong: Sagutin mo ang tanong!
Nagkaroon ka ba ng anak? (Sandaling tigil)
Serapio: Oho.
Dalawang
Tagapagtanong: Ayos!
Unang Tagapagtanong: Ba’t di mo kaagad inamin na
may anak ka nga?
Ikalawang
Tagapagtanong: Umupo
ka. Malalaman mo rin. (Aakayin siya ng bantay sa kanyang upuan. Susulat ang
Ikalawang tagapagtanong sa kwaderno.) (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ang pangalan ng anak mo ay
Sol, hindi ba?
Serapio: Oho. Paano ninyo nalaman?
Unang Tagapagtanong: Marami kaming alam tungkol
sa’yo. (Sandaling tigil)
Serapio: (Sa mga manonood) Yaon din
ang pangalan ng namatay niyang ina- Sol, Consuelo. Namatay ang kanyang ina nang
siya’y ipanganak. Ang aming unang anak at namatay pa- ang ina, isang dalagang
tahimik na may ngiting nagmumungkahi ng simoy at tubig ng batis. Ang pagpanaw
niya’y pagsapit ng kalungkutan. Dalawang hiyaw ang tumaginting sa aming silid
sa gabing yaon: ang aking hiyaw ng hapis ng pagkamatay ni Sol, at ang hiyaw ng
takot na naisilang na Sol, na naging larawan ng kanyang ina: maputi, maitim ang
mata, madalas na nakangiti, lundag nang lundag kapag inuwian mo ng kendi,
matamis, at laruan. Sana’y nakita ninyo siya. At ang kanyang halakhak, ang
kanyang halakhak.-,Sol, Sol.
Dalawang
Tagapagtanong: Ano?
Ano? Ano? Ano? Ano?
Unang Tagapagtanong: Ano ‘yang sinasabi mo?
Serapio: Wala. Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Huwag ka nang umarte-arte
pa.
Ikalawang
Tagapagtanong: Basta’t
inamin mong may anak ka.
Unang Tagapagtanong: Dadrama-drama ka pa riyan.
Ikalawang
Tagapagtanong: Nais
pang talunin ang radio. (May mga papel na ibinigay ang Unang Tagapagtanong sa
Hukom)
Hukom: Ano? Tapos na ba ang
paglilitis? (Papalakpak nang dalawang beses ang Ikalawang Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Oho. Inamin na niya na anak
niya ‘yung “Sol” na ‘yun. (Ibibigay ng isang bantay sa Ikalawang
Tagapagtanongang isang kahon)
Ikalawang
Tagapagtanong: (Sa
mga manonood) Ito ho ang kahon ng mga instrumentong ginamit namin sa
pagpaparusa sa mga kasapi. (Habang nagtatalumpati siya, maglalapag siya sa mesa
ng martilyo, pait, malaking gunting, tinidor, bambo, at balarawna kukunin niya
mula sa kahon) Humanitong federacion: ubod ng karunungan at pag-uunawa,
sapagkat sa katotohanan ay pagkawanggawa ang mga parusa. Halimbawa, ang pagpipi
o ang pagpilay kaya. (Maglalapag siya ng bareta sa mesa) ipalagay nating bulag
ang kriminal at nakikinabang dahil sa pagkabulag niya, hindi ba tataas ang kita
niya kuing pilay rin siya. Bulag na, pilay pa. O, at di lang siya ang
makikinabang. Ang federacion din, sapagkat ang kanyang abuloy sa federacion.
’Yan ang tinatawag kong maunawaing parusa: ang pinarurusahan ay kapwa
nakikinabang. (maglalabas siya ngicepick)
(Sa Unang
Tagapagtanong): Ito
ho ang icepick.
Unang Tagapagtanong: (Kay Serapio) Ano? Handa ka
na ba?
Serapio: Para sa ano?
Ikalawang
Tagapagtanong: Sa
pagbulag.
Serapio: Ha?
Ikalawang
Tagapagtanong: Sa
pagbulag. Madali lang. Sanay na itong guwardiya.
Unang Tagapagtanong: Alam niya kung anong parte
ng mata ang tapat unang turukin.
Serapio: Pagbulag?
Ikalawang
Tagapagtanong: Huwag
kang matakot.
Unang Tagapagtanong: Hindi ka matetetano.
Ikalawang
Tagapagtanong: Sterilized itong icepick.
Unang Tagapagtanong: Dalhin nga ninyo siya rito.
(Hihilahin ng mga bantay si Serpio)
Serapio: Ba’t ninyo ako bubulagin?
Unang Tagapagtanong: ‘Yan ang pamantayang
parusa. (Tatangayin ng Ikalawang Tagapagtanong ang mga instrumento ng parusa,
ang malaking aklat, at ang kwaderno. Malalaglag ang mga ito sa sahig.)
Serapio: Para sa ano?
Ikalawang
Tagapagtanong: Para
sa krimen mo.
Serapio: Krimen?
Unang Tagapagtanong: Huwag kang gumalaw masyado.
(Bibigkasin nang sabay-sabay ang mga sumusunod na talumpati)
Serapio: Bitiwan n’yo ako! Bitiwan
n’yo ako! Bitiwan n’yo ako!
Unang Tagapagtanong: Huwag mo kaming
pagbibintangan. (Bubuhatin si Serapio ng mga Bantay at ihihiga sa mesa.
Hahawakan nila ang kanyang paa’t kamay. Sisigaw at papalakpak ang mga pulubi.)
Hawakan mo ang kamay niya! Hawakan mo ang kamay niya!
Ikalawang
Tagapagtanong: Ang
ulo niya! Hawakan n’yo ang ulo niya!
Serapio: Ano ba ang krimen ko?
(Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ang ano?
Ikalawang
Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Ang krimen ko, ano ang
krimen ko?
Unang Tagapagtanong: Relaks lang, relaks.
(Mananahimik si Serapio) O, ano ang nais mong malaman?
Serapio: Ano ho ang krimen ko?
Unang Tagpagtanong: Ang krimen mo! ‘Yun lang
pala.
Ikalawang
Tagapagtanong: Di
mo sinabi agad. (Pupulutin niya ang malaking aklat mula sa sahig)
Unang Tagapagtanong: Sigaw ka lang nang sigaw
diyan. (titindig ang dalawang tagapagtanong sa plataporma, bubuksan ng Unang
Tagapagtanong ang malaking aklat, at hahanap ng pahinang mababasa ang dalawang
Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ang krimen ni Mang Serapio.
Dalawang Tagapagtanong:
Ang buhay ng tao’y lansangan sa hirap;
ang mundo’y daigdig ng kirot at dahas.
Pagsasala’y sakit ng ating
pagkatao,
Pag-aaruga ang krimen ni
Mang Serapio.
Krimen mo mang Serapio!
Unang Tagapagtanong: At wika pa sa aming aklat:
Dalawang Tagapagtanong:
Bawal mag-aruga ng bata o
asawa,
ang taunang kita’y
nawawalan ng pera.
Unang Tagapagtanong: Ginasta mo ang pera ng
federacion para sa isang bata.
Ikalawang
Tagapagtanong: Magpabulag
ka na nang makauwi na tayo nang maaga.
Serapio: Ngunit wala naman akong
batang inaaruga, a. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Wala akong batang inaaruga.
(Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, huwag ka
nang magsinungaling.
Serapio: Hindi ako nagsisinungaling.
Unang Tagapagtanong: Huwag mong lokohin itong
Hukuman.
Serapio: Wala akong niloloko.
Hukom: Ang parusa sa pagbubulaan
sa Hukuman ay pagpipi.
Serapio: Sinasabi ko ang
katotohanan. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Kaaamin mo lang na may anak
ka.
Ikalawang
Tagapagtanong: Narinig
kita. Narinig ka naming lahat.
Unang Tagapagtanong: At itong anak mo’y
isang babae.
Ikalawang
Tagapagtanong: Ikaw
mismo ang nagsabi.
Unang Tagapagtanong: Ang pangalan pa nga ay Sol.
Ikalawang
Tagapagtanong: Sinabi
mo ‘yan! Sinabi mo!
Unang Tagapagtanong: Hindi ba inaaruga mo siya?
Serapio: Si Sol ay patay na.
(Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ha?
Hukom: Patay na siya, si Sol,
patay na?
Serapio: Tatlong taon nang patay.
Sinagasaan ng dyip. Patay na siya. Patay.
Unang Tagapagtanong: Tunay na malungkot ang
iyong kuwento. Pinipiga mo ang aming puso.
Ikalawang
Tagapagtanong: Walang
alinlangang mahusay ka sa sining ng pagbobola.
Serapio: Patay na siya!
Unang Tagapagtanong: Nagsalaysay
ka sana ng kuwentong higit na kapani-paniwala kaysa riyan.
Serapio: Totoo ang sinasabi ko!
(Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Totoo ba? May tatlong saksi
kami ginoo, tatlong saksi na nanubok sa’yo, araw, gabi.
Ikalawang
Tagapagtanong: Dalawang
linggo silang nagbantay.
Unang Tagapagtanong: Mga saksi sila sa krimen
mo.
Serapio: Nagsisinungaling sila! Wala
akong batang inaruga.
Unang Tagapagtanong: Titignan natin.
Ikalawang Tagapagtanong: Lalabas din ang
katotohanan.
Unang Tagapagtanong: Kung sila ang
nagsisinungaling, sila ang paparusahan, ngunit kung ikaw ang sinungaling – (Sa
mga Pulubi) Pumarito sa harap ang tatlong saksi. (Titindig ang tatlong saksi)
Hukom: (Sa tatlong saksi) Kayo na
naman?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: Kayo na lang palagi ang
nagpapabulag sa iba.
Ikalawang Saksi: Talagang ganyan ho ang
buhay.
Ikatlong Saksi: Manananggol lang ho kami ng
kalinisan nitong federacion.
Unang Saksi: Mga tagapatnubay ng
kabutihan nitong lipunan.
Hukom: Kayo ba ang unang
nagsumbong ng kanyang krimen?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: (Sa mga manonood) Pues,
ayon ho sa batas ng aming federacion, kung mapapatunayan nila ang kanilang
sakdal, kanila ang lahat ng kasangkapan ni Ginoong Serapio at diyes porsyento
ng kanyang kinikita. (Lalakad ang tatlong saksi sa plataporma. Dadaluhungin
kaagad ni Serapio ang Ikalawang Tagapagtanong)
Serapio: Buwaya!
Unang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) hawakan
ninyo siya! (Hahawakan ng mga Bantay si Serapio at hihilahin sa sulok ng acting
area sa gawing kaliwa ng lugar ng mga Pulubi. Titindig ang mga saksi sa
plataporma.)Bawal dito ang kumilos nang ganyan. Igalang mo itong hukuman
ginoo. (Sandling tigil)
(Sa Saksi): Ngayon, mga ginoo nitong
marangal na federacion, sabihin ninyo sa amin ang inyong nakita kagabi.
Tatlong Saksi: Nakita naming siya, pauwing
may dalang mamantikang supot sa kilikili niya, at susulyap-sulyap sa kana’t
kaliwa, takot sa wari ko na matagpuan siya.
Dalawang
Tagapagtanong: Takot
sa wari ko na matagpuan siya.
Tatlong Saksi: Sinundan naming siya
hanggang sa bahay niya, nagsitago kami’t narinig namin siya. Heto na, Sol,
kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Dalawang
tagapagtanong: Heto
na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio,
pinagbibintangan kita ng krimen ng pag-aaruga ng bata. Bubulagin ka ngayon din!
Serapio: ‘yan ba ang inyong
katibayan?
Unang Tagapagtanong: Oo, masaya na kami.
Serapio: Kulang pa ‘yang katibayan
n’yo.
Ikalawang
Tagapagtanong: At
ano ang kakulangan?
Serapio: Si Sol, ang aking ‘”buhay”
na anak. Mga tanga ang espiya ninyo!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita nang
ganyan sa harap namin.
Ikalawang
Tagapagtanong: Kami’y
mga opisyal nitong Hukuman.
Serapio: Akala na ninyo ay
nahuli na ninyo ako, ano? Akala ninyo! (Sa tatlong saksi) May isa ba sa inyong
nakakita sa “buhay” na anak ko? Wala!
Ikalawang
Tagapagtanong: Wala
ba sa inyong nakakita sa anak niya?
Unang saksi: Narinig naman naming siyang
nagsalita sa anak niya, gabi-gabi, sa buong linggong nanubok kami. (Bibigkasin
nang sabayang sumusunod na talumpati. Lalapitan at kakausapin si Serapio
isa-isa ang mga manonood.) At kaya namin alam na alam ang mga sinabi niya ay
sapagkat -
Serapio: Nagsisinungaling silang
lahat! Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat!
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio!
Unang Saksi: Sapagkat gabi-gabi sa isang
takdang oras au naririnig namin siyang paulit-ulit na nagsasabing, “Heto na,
Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula,” at inuulit niya ito
gabi-gabi.
Serapio: Nagsisinungaling
sila! Nagsisinungaling sila nang maging kanila lahat ang mga kasangkapan ko!
Ikalawang
Tagapagtanong: Ngunit
nakita ba ninyo ang anak niya?
Unang Saksi: Hindi.
Serapio: Ha!
Ikalawang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling kayo
mapipipi kayo, mapipipi kayo!
Unang Tagapagtanong: (Kay Serapio) Narinig ka
naming nagsalita sa anak mo!
Serapio: Kung talagang buhay ang
anak ko, dalhin n’yo siya rito! Dudustain pa ninyo ang alaala niya. Kailangan
ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Husto na ‘yan, ginoo!
Serapio: Dalhin n’yo rito ang anak
ko, kung buhay pa siya! At bulagin n’yo ako.
Unang Tagapagtanong: Kami’y nagpadala na, ginoo,
kanina pa, ng dalawang kasapi nitong federacion sa iyong barung-barong upang
agawin ang anak mo sa karaniwang oras ng pag-uwi mo. Nakabalik na sila. (Sa mga
bantay) Nasaan sila? (Titindig ang dalawang Pilay)
Unang Tagapagtanong: O ano? Nasaan ang bata?
Unang Pilay: Wala.
Unang Tagapagtanong: Anong wala? Hindi ba kayo
pumunta sa bahay niya?
Unang Pilay: Oho.
Unang Tagapagtanong: Hindi ninyo nahuli ang
anak?
Unang Pilay: Wala hong bata roon.
Unang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling ka-
(Hahampasin ang dalawang Pilay ng kanyang basto. Susukot ang mga Pilay)
Unang Pilay: Hindi ho.
Ikalawang Pilay: Wala ho kaming nakita. Wala
ho.
Unang Pilay: Kundi isang baul.
Ikalawang Pilay: Itong baul ho, o.
(Kakaladkarin nila ang baul sa hilagang gilid ng acting area.) (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: Saan ninyo ito nakita?
Unang Pilay: Sa barung-barong niya.
Unang Tagapagtanong: Sa barung-barong niya.
Ikalawang Pilay: Sa isang sulok, ho.
Unang Pilay: Nakatago sa ilalim ng mga
lumang sako.
Unang Tagapagtanong: Lumang sako. At hindi n’yo
pa ito nabubuksan?
Unang Pilay: Hindi pa ho.
Ikalawang Pilay: Nakakandado ho.
Unang Tagapagtanong: Nakakandado. (Sandaling
tigil) Buksan ninyo ang baul. (Pupukpukin ng Pilay ng martilyo nang dalawang
beses ang kandado ng baul)
Serapio: Wala ‘yang laman! Wala
‘yang laman! Isang lumang baul na nakita ko lang sa basurahan.
Unang Tagapagtanong: Ba’t mo tinatago Ginoong
Serapio?
Serapio: Wala. Ginagamit ko sa bahay
bilang upuan.
Unang Tagapagtanong: At bakit nakakandado?
Serapio: nakakandado na ‘yan nang
nakita ko.
Unang Tagapagtanong: Nagsisinungaling ka,
Ginoong Serapio. Bagung-bago ang kandado. Wala ni isang bakas ng kalawang. Ikaw
ang nagkandado nitong baul.
Serapio: Nakakandado na ‘yan nang
nakita ko!
Unang Tagapagtanong: Kung ganoon, Ginoong
Serapio, hindi mo daramdamin ang pagbukas naming rito. (Sa Pilay) Buksan ang
baul. (Dalawang hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi! Huwag.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio,
pinagpapawisan ka.
Serapio: Wala ‘yang laman.
Unang Tagapagtanong: Bakit mo alam, Ginoong
Serapio? Nagsinungaling ka kanina. Nabuksan mo na itong baul.
Serapio: Hindi!
Unang Tagapagtanong: Hala! Buksan mo! (Talong
hampas ng martilyo)
Serapio: Huwag!
Unang Tagapagtanong: Bakit, Ginoong Serapio?
Serapio: Akin ‘yang baul.
Unang Tagapagtanong: Inamin mo rin.
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan.
Unang Tagapagtanong: Bakit? May itinatago ka ba
sa amin?
Serapio: Balewala sa inyo ang laman
niyan.
Unang Tagapagtanong: titignan natin. Ituloy ang
pagbukas. (Apat na hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi n’yo dapat pakialaman
’yan! Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Sasabihin ko sa’yo kung ano
ang malalahad pagbukas namin nito! Katibayan ng krimen mo!
Serapio: Wala kayong matutuklasan
diyan. (Uulitin niya ang linyang ito habangnagsasalita ang unamg Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ano ang tinatago mo riyan?
Ang mga damit ng anak mo? Ang mga laruan niya? Ituloy ang pagbukas! (Patuloy
ang mga hampas ng martilyo habang nagsasalita ang Unang Tagapatanong at si
Serapio)
Serapio: Huwag!
Unang Tagapagtanong: Wala kang kapangyarihan sa
Hukuman ito, ginoo!
Serapio: Ngunit, akin ‘yang baul!
Unang Tagapagtanong: E, ano? E, ano?
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan!
Unang Tagapagtanong: Pigilin mo kami! Pigilin mo
kami!
Serapio: Papatayin ko kayo!
Papatayin ko kayo!
Unang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) Hawakan
ninyo siya!
Serapio: Ibubunyag ko kayo sa pulis!
(Hihinto ang pagmamartilyo) Ibubunyag ko kayo sa pulis! Ibubunyag ko kayo at
ang inyong kalupitan! Ibubunyag ko ang inyong pandaraya sa
madla! Ibubunyag ko ang inyong pagmamalupit sa aming lahat; ibubunyag ko
ang inyong sadyang pagpapabaya sa mga matatandang kasapi! Ibubunyag koitong
federacion sa pulis! (Katahimikan)
Hukom: (Hahampasin ng Hukom ang
kanyang podium) Walang makakatulong sa’yo, Ginoong Serpio, wala!
(Kakaladkarin si Serapio ng mga Bantay sa patimog-silangang sulok ng acting
area. Lumupagi si Serapio.) Ni ang pulis, ang pahayagan, kahit sino man sa
mundong ito. Ang mga hiyaw mo’y di maririnig; ang bawat kilos mo’y mabibigo,
walang papansin sa’yo. Dumaing ka pa, at bukas makalawa, matatagpuan ang iyomg
maagang katawan sa mga itim na bulaklak ng Pasig. (sa mga pulubi) Tandaan
ninyo ‘yan! May kuwarenta pesos kayong dapat ibigay sa federacion araw-araw. At
ibibigay niyo ang perang iyan sa amin. At kapag hindi, kung kayo’y nakakakita,
pipitasin namin ang inyong mga mata; kung kayo’y nakakapagsalita, puputulin
namin ang inyong mga dila; at kung kayo’y nakakalakad, babasagin naming ang
inyong mga buto; at kung di pa rin ninyo susundin ang batas na ito, ang bawat
daliri ninyo’y isa-isang tatanggalin. Malungkot nga ang buhay sa federaciong
ito, ngunit kasapi na kayo hanggang kamatayan. Kamatayan lamang ang
makapaliligtas sa’yo kapag sumali ka sa federciong ito. Buksan ang baul!
(Patuloy na naman ang
pagmamartilyo habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng mga hampas ng
martilyo ang karamihan ng mga salita ng talumpati ni Serapio).
Serapio: Balewala sa inyo ang laman
niyan. Balewala. Huwag na ninyong buksan. Balewala sa inyo ang laman niyan.
(sandaling tigil) Hindi naman ninyo mauunawaan. Hindi naman ninyo mauunawaan.
Kung tangkain kong magpaliwanag, kung tangkain kong sabihin sa inyo kung bakit,
hindi naman ninyo mauunawaan. Pagtatawanan lamang ninyo ako. Anong masasabi ko
sa inyo? (Sandaling tigil) Nabubulok na kamay, nabubulok na balat, nabubulok na
laman, nabubulok na ugat, nabubulok na buto. (Masisira ang kandado;
Katahimikan.) (Sisilip ang dalawang Tagapagtanong sa baul. Titindig ang ilang
Pulubi. Itataas ng unang tagapagtanong ang isang manika.)
Unang Tagapagtanong: Manika? (tatakbo si Serapio at aagawin at hahagkan ang
manika)
Serapio: Sol! Sol!
Unang Tagapagtanong: Si Sol! (magtatawanan
ang mga pulubi)
(Patuloy ang tawanan ng mga
pulubi habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng tanawin ang mga linya ni
Serapio.)
Serapio: Sol! Sol! Anak. Anak. Sol.
Anak. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Sol. Sol. Anak. Ang bituin. Ang
hangin. Sol. Ang langit. Hangin. Sol ko. Anak. Diwa. Imahen. Kristal at buhay.
Buhay. Buhay. Sol. Anak ko. (Hihina ang tawanan ng mga Pulubi. Titigan ng buong
korte si Serapio.) Larawan ni Consuelo. Sol na anak ni Sol. Sol. Kristal at
diwa. (Tahimik ang buong korte.) Diwa. Diwa. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit.
Ang hangin. Ang sinag. (Mapapansin ng Unang Tagapagtanong ang mga mukha ng mga
Pulubi.) Ang araw. Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol! Ang araw!
Sol!(Aagawin ng unang tagapagtanong ang manika.)
Unang Tagapagtanong: (Matinis) Tatay ka ng
trapo? (Tatawa ng malakas ang mga Pulubi. Matinis ang tawanan nila.)
Serapio: Bitiwan mo siya. Bitiwan mo
siya.
Unang Tagpagtanong: Ginasta mo ang pera ng
federacion para rito?
Serapio: Pabayaan mo ako!
Huwag mo akong pakialaman!
Unang Tagpagtanong: Isang pamahid sa tae
ng kabayo! (Matinis na tawanan muli.)
Serapio: Ang anak ko ay maganda! At
buhay. Buhay. Ang anak ko ay buhay at ang kagandahan ng araw.
Unang Tagpagtanong: Kapok! (Hahagutin niya ang
manika; katahimikan; Biglang
lulundag si Serapio sa Tagapagtanong.)
Serapio: Bitiwan mo siya! (Tatakbo
ang TAGAPAGTANONG sa kanyang mesa’t ihahagis ang manika sa mga Pulubi.)
Unang Tagapagtanong: Kunin mo siya! (Sisigaw ang
mga Pulubi’t sasaluhin ang manika sa iba’t ibang sulok ng silid habang
nagsisigaw at nagsisitawiran. Hahabulin naman ni Serapio ang manika. Mahahagis
ang manika sa sahig, ngunit bago mapulot ni Serapio ang manika, sisigaw ang
Unang Tagapagtanong.)
Bulagin natin siya! Bulagin! (Uulitin ng mga
Pulubi ang sigaw…Kakaladkarin nila si
Serapio sa plataporma. Lahat sila’y nagsisigaw at nagtatawanan. Biglang
maririnig ng mga manonood ang hiyaw
ng binulag na Serapio. Biglang tatahimik ang mga Pulubi’t lalayo kay Serapio. Babangon si Serapio.Duguan ang kanyang mukha.
Duguan din ang mga kamay ng ilang mga Pulubi; gayundin ang kanilang mga damit.
Walang-imik ang mga Pulubi’t si Serapio. Susuray-suray na lalakad si Serapio. Mararapa siya’t gagapang. Aapuhapin
niya ang manika. Biglang lalabas ang mga Pulubi maliban sa tatlo. Papalibutan
nila si Serapio kasama ng mga tagapagtanong. Mahihipo ni Serapio ang manika,
ngunit bago niya makuha ito, sisipain ng isang pulubi ang manika sa Pulubing
nasa likod ni Serapio. Uulitin itong laro ng Hipo-Sipa. Biglang titigil ang mga
Pulubi’t Tagapagtanong. Lalabas ang mga Pulubi. Aakapin ni Serapio ang manika.
Wala siyang imik.)
No comments:
Post a Comment