Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
|
Andres Bonifacio
|
|
Spanish Period
|
|
|
Itong Katagalugan,
na pinamamahalaan nang unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong
hindi pa tumutulong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos
na kasaganaan, at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapit-bayan at
lalung-lalo na ang mga taga-Japon, sila’y kabilihan at kapalitan ng mga
kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil
dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay
marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating
ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na
diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating
kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng
kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugaliang
pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa
kani-kanilang mga ugat, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay
at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang
tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na
pinakakatawanan ng hari sa Espana.
Buhat nang ito’y
mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni
Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at
binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin
ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa
kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at
taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan. Ngayon sa lahat ng
ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang
ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang
kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kudi pawang
kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang
ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag,
inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilt na sinira ang mahal at
magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya
at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung
tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay
ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak, aswa at
matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing
na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na
kabangisan. Ngayon wala nang
maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagi nang gingambala
ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan,
buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga
kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo’y
nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa
pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay
katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating
pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikalang
nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat
nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na
itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating
tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma ng
kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala
tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng
katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo
ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong
kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran
ang tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan.
Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala
at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa
ating Bayan. Panahon na ngayong
dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating
ipakilala n tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at
pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal
at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating
kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan
ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang
hakbang natin y tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng
kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway. Kaya, O mga
kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan
ang atin glakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong
kaginhawahan ng bayan tinubuan. |
Monday, February 25, 2013
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment