Monday, February 25, 2013

Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma


Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma
ni Joi Barrios
Ang pagiging babae
ay pamumuhay
sa panahon ng digma
Kapiling ko sa aking paglaki
ang pangamba
hindi ko tiyak ang bukas na laging nakakawing
sa mga lalaki ng aking buhay;
ama, kapatid,
asawa, anak.
Kinatatakutan ko ang pag-iisa.
Sa pagiging ina,
kaharap ko'y tagsalat.
Pagkat ang lupit ng digmaan
ay hindi lamang paggulong ng mga ulo
pagguhit ng espada,
kundi unti-unting pagkaubos
ng pagkain sa hapag.
ay, paano magpapasuso ng bunso
habang naghahanap ng maisusubo sa panganay?
Walang sandaling walang panganib.
Sa lansangan,
ang paglakad sa gabi'y
pagtukso sa kapahamakan.
Sa sariling tahanan,
ang pagsagot at pagsuwa'y
ay pag-aanyaya ng karahasan.
Kaytagal kong pinag-aralan
ang puno't dulo
nitong digmaan.
Sa huli'y naunawaan kong
ang pagiging babae
ay walang katapusang pakikibaka
para mabuhay at maging malaya.

ANG PAGIGING BABAE


ANG PAGIGING BABAE
Lilia Quindoza Santiago
Ayaw kong isumpa ang pagiging babae
Sa panahong ito, kabarong makata,
Kahit pa sugatan ang lahat ng sulok
Ng puso ko't kaluluwa.
Ayaw kong isuko ang kayariang
Ako rin ang bumubuo.
Di ko ipamimigay
Ang mumunting butil ng diwang
Ako rin ang bumubihay.

Totoong "kasumpa-sumpa
Ang maging babae sa panahong ito"
Kung panatag nating aakuin
Ang hinulmang pagkatao
Sa mga nagdaang siglo
Nang walang pagtangi sa sarili
O walang pagsalungat sa pang-aapi.

Ngunit ang ganang akin
Ang pagkababae'y marami pang kahulugan
Bukod sa pagtutol sa kostumbre't kaugalian.
Ang pagiging babae'y pagkatha
Ng mga tulang di pa nalilikha;
Ang pagiging babae'y pag-awit
Ng awiting di pa naririnig;
Ang pagiging babae'y pagtuklas
Ng daigdig na di pa natutuklasan;

Ang pagiging babae'y paghubog
Ng mundong hindi pa nabubuo;
Ang pagiging babae'y pagluwal
Ng buhay na hindi nararanasan.

Ngunit higit sa lahat, ang pagiging babae'y
Higit pa sa lahat ng ito
Na tayong kababaihan lamang bilang tao
Ang tanging makatatanto.

ANG MAGING BABAE (ni Ruth E.S. Mabanglo)


ANG MAGING BABAE (ni Ruth E.S. Mabanglo)
Kasumpa-sumpa
ang maging babae sa panahong ito:
Depinisyong pamana
ng nakaraa't kasalukuyan.
Anyong hinulma
ng pag-asam at pangangailangan.
Ibukod pa ang basal na kalikasan.
Ang tungkulin at kapaligiran.
Isaalang-alang bilang halimbawa,
ang maiambil sa babasaging krsital.
Mulang pagsilang
Nagumon ang isip sa karupukan.
Guwardiya ang bawat ama
mg pagkabirhe't kahihiyan.
Bawat kapatid na lalaki'y espiya,
asawa naman ang kandadong ikinawit sa pinto.
Tunguhin ka't dahilan
ng di mabilang na bagay.
Kanin at pamulat
ng hangari't paglingap.
Anong pag-ibig o pagpapakasakit?
Anong paglilingkod o pagtitiis?
Ikaw ang pundiya ng karsonsilyo,
ang kurbata, maging ang burda sa panyo't kamiseta.
Susukatin ang ganda mo sa kama,
ang talino sa pagkita ng pera.
Kumikita ang beer at sine,
Nagdidildil ka ng pills.
Tunay, ang maging babae sa panahong ito'y
magiging kasumpa-sumpa lalo
Kung di babalikwas ang lahat,
matiim na magmumuni't magsusuri
Kahit masugat-sugatan ang sarili,
upang ang dugong
sa kabahagi lamang dumadaloy,
maglandas din sa isip at guni-guni.

Santong Paspasan by Jose F. Lacaba


Santong Paspasan by Jose F. Lacaba
Nang kidnapin si Maritess ng anak ng konggresman, parang alitaptap ang mga bituin at kabilugan ng buwan.

Nang dalhin sa Novaliches si Maritess, isinasayaw ng hangin ang nagtataasang talahib at mauulinig ang mga kuliglig.

Apat na kabarkada ang kasama ng anak ng konggresman sa kanyang bagong Mustang at kamuka ni Susan Roces si Maritess.

Nang habulin ng barkada ang pantsuit ni Maritess na yari sa hablon at pinaghirapan ng bakla, lumilindol sa Maynila at nagdidemonstrasyon sa Embassy ang mga bata.

Nang haplusin ng barkada ang panty ni Maritess at dukutin ang kanyang tampax, gumagapang ang teargas sa mga kalsada ng sampaloc at inirerekomenda ni Susan Roces sa TV ang Lux.

Apat na kabarkada ang kasama ng anak ng konggresman sa gitna ng talahiban at lima ang sumampa kay Maritess.

At nang nailabas ng lima ang kanilang sama ng loob sa nagdurugong kalooban nitong dating donselya, nagsindi sila ng blue seal at sinunog ang bulbol ni Maritess.

Apat na kabarkada ang kasama ng anak ng konggresman sa kanyang bagong Mustang at kamuka ni Bella Flores si Maritess.

Nang pakawalan si Maritess ng anak ng konggressman, naglasing ang boyfriend niya, kinilig sa tuwa ang mga diyaryo at nagsalsal ang mga pulis.

Tatakbo si konggresman sa darating na halalan.
Huwag nating siyang kalilimutan.
Tagalog Version of
"Mi Ultimo Adios"
PAHIMAKAS ni Dr. Jose Rizal


Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
Lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay aking ding handog.
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
Saan man mautas ay dikailangan,
cipres o laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa silinganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitina sa iyong liway-way,
dugo ko'y isabong at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw
Ang aking adhika sapul magkaisip
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyas ng diwa
hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
pag hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
akoy malugmok, at ikaw ay matanghal,
hiniga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalangitan.
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring itapat,
sa kaluluwa ko hatik ay igawad.
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang iwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
Kung sakasakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon
doon ay bayaan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng boong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
Bayaang sino man sa katotang giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin, Bayan, yaring pagka himbing.
Idalanging lahat yaong nangamatay,
mangagatiis hirap na walang kapantay;
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.
Ang mga bao't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa;
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.
At kung an madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
Ang kanyang hiwagay huwag gambalain;
kaipala'y maringig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y mag saliw,
ako, Bayan yao't kita'y aawitin.
Kung ang libingan ko'y limat na ng lahat
at wala ng kurus at batang mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kauyang ikalat.
At mga buto ko ay bago matunaw
maowi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung magka gayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panganorin
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
Matining na tunog ako sa dingig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ng pananalig ko.
Bayang iniirog, sakit niyaring hirap,
Katagalugang ko pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang dooy haring lubos.
Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.
Pag pasasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!
Sa salin ni Andres Bonifacio

Mi último adiós
¡Adiós, Patria adorada, región del sol querida, 
Perla del mar de oriente, nuestro perdido Edén! 
A darte voy alegre la triste mustia vida, 
Y fuera más brillante, más fresca, más florida, 
También por ti la diera, la diera por tu bien.

En campos de batalla, luchando con delirio, 
Otros te dan sus vidas sin dudas, sin pesar; 
El sitio nada importa, ciprés, laurel o lirio, 
Cadalso o campo abierto, combate o cruel martirio, 
Lo mismo es si lo piden la patria y el hogar.

Yo muero cuando veo que el cielo se colora 
Y al fin anuncia el día tras lóbrego capuz; 
si grana necesitas para teñir tu aurora, 
Vierte la sangre mía, derrámala en buen hora 
Y dórela un reflejo de su naciente luz. 

Mis sueños cuando apenas muchacho adolescente, 
Mis sueños cuando joven ya lleno de vigor, 
Fueron el verte un día, joya del mar de oriente, 
Secos los negros ojos, alta la tersa frente, 
Sin ceño, sin arrugas, sin manchas de rubor 

Ensueño de mi vida, mi ardiente vivo anhelo, 
¡Salud te grita el alma que pronto va a partir! 
¡Salud! Ah, que es hermoso caer por darte vuelo, 
Morir por darte vida, morir bajo tu cielo, 
Y en tu encantada tierra la eternidad dormir.

Si sobre mi sepulcro vieres brotar un día 
Entre la espesa yerba sencilla, humilde flor, 
Acércala a tus labios y besa al alma mía, 
Y sienta yo en mi frente bajo la tumba fría, 
De tu ternura el soplo, de tu hálito el calor. 

Deja a la luna verme con luz tranquila y suave,
Deja que el alba envíe su resplandor fugaz,
Deja gemir al viento con su murmullo grave,
Y si desciende y posa sobre mi cruz un ave,
Deja que el ave entone su cántico de paz.

Deja que el sol, ardiendo, las lluvias evapore
Y al cielo tornen puras, con mi clamor en pos;
Deja que un ser amigo mi fin temprano llore
Y en las serenas tardes cuando por mí alguien ore,
¡Ora también, oh Patria, por mi descanso a Dios!

Ora por todos cuantos murieron sin ventura,
Por cuantos padecieron tormentos sin igual,
Por nuestras pobres madres que gimen su amargura;
Por huérfanos y viudas, por presos en tortura
Y ora por ti que veas tu redención final.

Y cuando en noche oscura se envuelva el cementerio
Y solos sólo muertos queden velando allí,
No turbes su reposo, no turbes el misterio,
Tal vez acordes oigas de cítara o salterio,
Soy yo, querida Patria, yo que te canto a ti.

Y cuando ya mi tumba de todos olvidada
No tenga cruz ni piedra que marquen su lugar,
Deja que la are el hombre, la esparza con la azada,
Y mis cenizas, antes que vuelvan a la nada,
El polvo de tu alfombra que vayan a formar.

Entonces nada importa me pongas en olvido.
Tu atmósfera, tu espacio, tus valles cruzaré.
Vibrante y limpia nota seré para tu oído,
Aroma, luz, colores, rumor, canto, gemido,
Constante repitiendo la esencia de mi fe.

Mi patria idolatrada, dolor de mis dolores,
Querida Filipinas, oye el postrer adiós.
Ahí te dejo todo, mis padres, mis amores.
Voy donde no hay esclavos, verdugos ni opresores,
Donde la fe no mata, donde el que reina es Dios.

Adiós, padres y hermanos, trozos del alma mía,
Amigos de la infancia en el perdido hogar,
Dad gracias que descanso del fatigoso día;
Adiós, dulce extranjera, mi amiga, mi alegría,
Adiós, queridos seres, morir es descansar.


José Rizal, 1896

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
Andres Bonifacio

Spanish Period


       Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutulong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapit-bayan at lalung-lalo na ang mga taga-Japon, sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugaliang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawanan ng hari sa Espana.
        Buhat nang ito’y mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.        Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kudi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilt na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak, aswa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.         Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.        Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala n tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin y tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.         Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang atin glakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.

Ang Paglilitis kay Mang Serapio


ANG PAGLILITIS KAY MANG SERAPIO
Ni Paul Dumol
Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang Tagapagtanong) O, sige na.
Ikalawang Tagapagtanong: Sige. (Lalakad sila sa harap ng kanilang mesa)
Dalawang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Narito ho kayo upang panoorin ang isang paglilitis, dahila’y ang krimen ng isang pulubing huling- huli namin. Si Mang Serapiong pisat at surutin. (Tatakbo sila sa kanilang mesa.) Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito ang nasasakdal! Dalhin dito agad!
Hahalakhak, hihiyaw, at papalakpak ang mga Pulubi. Hihilahin ng dalawang bantay si Mang Serapio sa gitna ng silid at iiwan doon. Katahimikan.
Unang Tagapagtanong: Magandang gabi, ginoo.
Serapio: Magandang gabi rin ho. (Sandaling titigil) Mga ginoo –
Dalawang Tagapagtanong: Silencio!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita habang kami’y nagsasalita.
Ikalawang Tagapagtanong: Bastos ang nagsasalita habang may nagsasalita pa.
Unang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Patawarin ho ninyo siya. Talagang ganyan ho ang waLang kapangyarihang tulad niya: mangmang, at yan nga ang suliranin ng mga may kapangyarihang, tulad namin.
Ikalawang Tagapagtanong: Tumindig ka nang matuwid!
Unang Tagapagtanong: Ba’t ka ba galaw nang galaw?
Serapio: Gusto ko lang malaman kung ano ang krimen ko. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Hindi mo ba alam?
Serapio: Hindi ho.
Unang Tagapagtanong: A, problema mo na ‘yon. (Sa mga manonood) Pag-aaruga ng bata ang krimen niya. (Biglang titindig ang tatlong saksi)
Tatlong saksi: Pag-aaruga, pag-aaruga, pag-aaruga ng bata.
Unang tagapagtanong: (Sa mga manonood) Krimen sapagkat ang pag-aaruga ng bata ay panunuksong gumasta.Samakatuwid nawawalan ng pera ang federacion. Nahuli siya ng tatlong kasapi nitong federacion. Narinig siyang nagsasalita sa anak niya at alam pa nila ang pangalan ng anak niya- Sol. Pormalidad na lamang itong paglilitis.
Hukom: Pormalidad na rin ho ang hatol ko.
Unang tagapagtanong: Ang parusa niya ay nais panoorin nitong mga pulubi. Siya’y bubulagin. (Bubungisngis at tatawa ang mga pulubi) Ginoong Serapio, mabuti ba’ng tulog mo?
Serapio: Oho.
Ikalawang Tagapagtanong: Nakakain ka na ba?
Serapio: Oho.
Unang tagapagtanong: Magaling! Handang-handa ka sa paglilitis mo. Ilang araw mo nag suot ‘yang kamisadentro mo?
Ikalawang Tagapagtanong: Ikaw ba’y naghilamos na?
Unang Tagapagtanong: Naligo?
Ikalawang Tagapagtanong: Nagpunas man lang?
Unang Tagapagtanong: (Sa bantay) Na-spray mo na ba siya?
Hukom: (Pupukpukin nang dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis! (Sa mga manonood) Sa siyam na taon sa federaciong ito bilang hukom, wala pa akong nakikilalang tagapagtanong na kasindaldal nitong dalawa. (Pupukpukin nang dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis?
Unang Tagapagtanong: Bueno! Ginoong Serapio, sabihin mo sa amin- (Babatuhin si Serapio ng ikalawang tagapagtanong ng yeso o anumang maliit na bagay)
Ikalawang Tagapagtanong: Tumindig ka ng matuwid!
Unang Tagapagtanong: Sabihin mo sa amin ang pangalan mo.
Ikalawang tagapagtanong: Pangalan!
Serapio: Serapio, ho.
Unang Tagapagtanong: (Sa Ikalawang Tagapagtanong) Serapio.
Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ho?
Ikalawang tagapagtanong: Serapio?
Unang Tagapagtanong: Serapio?
Serapio: Ano ho?
Dalawang Tagapagtanong: Serapio ano?
Serapio: Serapio.
Unang Tagapagtanong: Serapio Serapio?
Serapio: A, hindi ho, Serapio lang.
Ikalawang tagapagtanong: (Habang sumusulat sa kwaderno) Serapio lang.
Unang Tagapagtanong: Ocupacion?
Ikalawang tagapagtanong: Ocupacion?
Serapio: Wala. Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Ano, wala kang ocupacion?
Serapio: Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Hindi ba isa kang pulubi?
Serapio: Oho.
Unang Tagapagtanong: Ocupacion mo ‘yon. (Susulat ang Ikalawang Tagapagtanong sa kwaderno) Classificacion.
Ikalawang tagapagtanong: Classificacion.
Serapio: Classificacion?
Dalawang Tagapagtanong: CLASSIFICACION!
Ikalawang tagapagtanong: Ano ang classificacion mo bilang pulubi? Namamakaawa o aliwan?
Unang Tagapagtanong: Pakunwari o karaniwan?
Ikalawang tagapagtanong: Ikaw ba’y nagrerenta?
Unang Tagapagtanong: Ng sanggol o bata?
Ikalawang Tagapagtanong: Upang akitin nga…
Unang Tagapagtanong: Ang luha ng madla?
Dalawang Tagapagtanong: ‘Yan ang uring nagmamakaawa.
Ikalawang Tagapagtanong: ‘Yan ang uring nagmamakaawa.
Ikalawang Tagapagtanong: O tumutugtog ka ba ng silindro o gitara, dram, o kahit na banda, o rondalla?
Unang Tagapagtanong: Kasama ng sayaw o kundi nama’y kanta nang madla’y maaliw at bigyan ka ng kwarta?
Dalawang Tagapagtanong: ‘Yan ang uring aliwan.
Unang Tagapagtanong: Maaari naman ding nagkukunwari ka, ika’y ipinaglihi sa isang palaka.
Ikalawang Tagapagtanong: O kung hindi naman ika’y isang palso, ngunit isang palsong palsipikado.
Dalawang Tagapagtanong: Pakunwaring bingi, bulag, pilay, pipi, madla’y madaya man ikaw nama’y yayaman. ‘yan ang uring pakunwari.
Ikalawang Tagapagtanong: Walang guniguni ang nasa huling uri.
Unang Tagapagtanong: Mga tunay na pipi, bulag, pilay, bingi.
Dalawang Tagapagtanong: Walang guniguni.
Unang Tagapagtanong: Wala ring salapi.
Dalawang Tagapagtanong: Talagang ganyan ang buhay ng nasa huling uri: ang uring karaniwan.
Unang Tagapagtanong: Alin ka sa apat? Nagmamakaawa o aliwan?
Ikalawang Tagapagtanong: Pakunwari o karaniwan? (Sandaling tigil)
Serapio: Ang huli ho. (Susulat ang ikalawang tagapagtanong sa kwaderno)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Hukom, ano ang gagawin namin ngayon?
Hukom: Patibayan na ninyo ang krimen niya. (Biglang tindig ang tatlong saksi)
Tatlong Saksi: (Sa mga manonood) Patibayan na ang krimen niya. Patibayan na ang krimen niya.
Dalawang Tagapagtanong: Bueno. Ginoong Serapio, may asawa ka na ba?
Ikalawang Tagapagtanong: Isang kabiyak?
Dalawang Tagapagtanong: Isang babaing bumahagi sa puso mo? (Sandaling tigil) Babaing nakasal sa harap ng altar, sa opisina ng gatpuno, o iba pang lugar. (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano, Ginoong Serapio, sagutin mo ang tanong.
Ikalawang Tagapagtanong: Napakasimple.
Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba? (Sandaling tigil)
Serapio: Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, di ka dapat mahiya.
Ikalawang Tagapagtanong: Sabihin mo ang totoo.
Unang Tagapagtanong: May asawa ka ba?
Serapio: Wala ho. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Iibahin ko ang tanong. May asawa ka ba noon?
Dalawang Tagapagtanong: Asawa na ngayo’y nagsasaya sa bahay ng Diyos o bahay ng iba? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: O ano? Malinaw na malinaw ang tanong ngayon. May asawa ka ba noon? (Katahimikan) Ginoong Serapio, nakapagtataka ‘yang katahimikan mo.
Ikalawang Tagapagtanong: May asawa ka ba noon? (Sandaling tigil)
Serapio: Oo.
Dalawang Tagapagtanong: Ayan!
Serapio: Ngunit siya’y patay na.
Unang Tagapagtanong: A, wala. Basta’t inamin mong may asawa ka na nga.
Hukom: (Pupukpukin ng Hukom ang podium niya ng dalawang beses) Magaling! (Sa mga manonood) Napakabilis ng aming mga paglilitis sapagkat lahat ng aming mga tagapagtanong ay matatalino at magagaling.
Mga Pulubi: (Biglang titindig ang mga pulubi’t papalakpak) Magagaling! Magagaling! Magagaling! (Yuyuko ang mga tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, nagkaroon ka ba ng anak?
Ikalawang Tagapagtanong: Buhat sa kasal na yaon?
Unang Tagapagtanong: Buhat sa inyong pagsasama?
Ikalawang Tagapagtanong: Buhat sa inyong pag-aasawa? (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, tahimik ka na naman.
Ikalawang Tagapagtanong: Wala kang sinasabi.
Unang Tagapagtanong: Wala kang imik.
Dalawang Tagapagtanong: Pasidhi nang pasidhi ang aming pananabik.
Unang Tagapagtanong: Nagkaroon ka ba ng anak? (Katahimikan)
Dalawang Tagapagtanong: Payat na payat, tuyung-tuyo pa. Walang alinlangang wala siyang modta.
Ikalawang Tagapagtanong: Nagkaroon ka ba ng anak? (Lalapitan si Serapio ng Ikalawang Tagapagtanong)
Serapio: Ba’t ninyo tinatanong ‘yan?
Unang Tagapagtanong: Aba! Pilosopo!
Serapio: Ano ba ang krimen ko?
Dalawang Tagapagtanong: (Tatakbo ang dalawang tagapagtanong sa likod ng mesa) Ginoong Serapio!
Serapio: Patawarin ho ninyo ako ngunit -
Unang Tagapagtanong: Wala ka bang utak?
Ikalawang Tagapagtanong: Isip?
Unang Tagapagtanong: Katiting na katalinuhan? Tandaan mo kung sino ka!
Ikalawang Tagapagtanong: Isang pulubi.
Unang Tagapagtanong: Hamak.
Dalawang Tagapagtanong: Kulisap!
Unang Tagapagtanong: Sagutin mo ang tanong! Nagkaroon ka ba ng anak? (Sandaling tigil)
Serapio: Oho.
Dalawang Tagapagtanong: Ayos!
Unang Tagapagtanong: Ba’t di mo kaagad inamin na may anak ka nga?
Ikalawang Tagapagtanong: Umupo ka. Malalaman mo rin. (Aakayin siya ng bantay sa kanyang upuan. Susulat ang Ikalawang tagapagtanong sa kwaderno.) (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ang pangalan ng anak mo ay Sol, hindi ba?
Serapio: Oho. Paano ninyo nalaman?
Unang Tagapagtanong: Marami kaming alam tungkol sa’yo. (Sandaling tigil)
Serapio: (Sa mga manonood) Yaon din ang pangalan ng namatay niyang ina- Sol, Consuelo. Namatay ang kanyang ina nang siya’y ipanganak. Ang aming unang anak at namatay pa- ang ina, isang dalagang tahimik na may ngiting nagmumungkahi ng simoy at tubig ng batis. Ang pagpanaw niya’y pagsapit ng kalungkutan. Dalawang hiyaw ang tumaginting sa aming silid sa gabing yaon: ang aking hiyaw ng hapis ng pagkamatay ni Sol, at ang hiyaw ng takot na naisilang na Sol, na naging larawan ng kanyang ina: maputi, maitim ang mata, madalas na nakangiti, lundag nang lundag kapag inuwian mo ng kendi, matamis, at laruan. Sana’y nakita ninyo siya. At ang kanyang halakhak, ang kanyang halakhak.-,Sol, Sol.
Dalawang Tagapagtanong: Ano? Ano? Ano? Ano? Ano?
Unang Tagapagtanong: Ano ‘yang sinasabi mo?
Serapio: Wala. Wala ho.
Unang Tagapagtanong: Huwag ka nang umarte-arte pa.
Ikalawang Tagapagtanong: Basta’t inamin mong may anak ka.
Unang Tagapagtanong: Dadrama-drama ka pa riyan.
Ikalawang Tagapagtanong: Nais pang talunin ang radio. (May mga papel na ibinigay ang Unang Tagapagtanong sa Hukom)
Hukom: Ano? Tapos na ba ang paglilitis? (Papalakpak nang dalawang beses ang Ikalawang Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Oho. Inamin na niya na anak niya ‘yung “Sol” na ‘yun. (Ibibigay ng isang bantay sa Ikalawang Tagapagtanongang isang kahon)
Ikalawang Tagapagtanong: (Sa mga manonood) Ito ho ang kahon ng mga instrumentong ginamit namin sa pagpaparusa sa mga kasapi. (Habang nagtatalumpati siya, maglalapag siya sa mesa ng martilyo, pait, malaking gunting, tinidor, bambo, at balarawna kukunin niya mula sa kahon) Humanitong federacion: ubod ng karunungan at pag-uunawa, sapagkat sa katotohanan ay pagkawanggawa ang mga parusa. Halimbawa, ang pagpipi o ang pagpilay kaya. (Maglalapag siya ng bareta sa mesa) ipalagay nating bulag ang kriminal at nakikinabang dahil sa pagkabulag niya, hindi ba tataas ang kita niya kuing pilay rin siya. Bulag na, pilay pa. O, at di lang siya ang makikinabang. Ang federacion din, sapagkat ang kanyang abuloy sa federacion. ’Yan ang tinatawag kong maunawaing parusa: ang pinarurusahan ay kapwa nakikinabang. (maglalabas siya ngicepick)
(Sa Unang Tagapagtanong): Ito ho ang icepick.
Unang Tagapagtanong: (Kay Serapio) Ano? Handa ka na ba?
Serapio: Para sa ano?
Ikalawang Tagapagtanong: Sa pagbulag.
Serapio: Ha?
Ikalawang Tagapagtanong: Sa pagbulag. Madali lang. Sanay na itong guwardiya.
Unang Tagapagtanong: Alam niya kung anong parte ng mata ang tapat unang turukin.
Serapio: Pagbulag?
Ikalawang Tagapagtanong: Huwag kang matakot.
Unang Tagapagtanong: Hindi ka matetetano.
Ikalawang Tagapagtanong: Sterilized itong icepick.
Unang Tagapagtanong: Dalhin nga ninyo siya rito. (Hihilahin ng mga bantay si Serpio)
Serapio: Ba’t ninyo ako bubulagin?
Unang Tagapagtanong: ‘Yan ang pamantayang parusa. (Tatangayin ng Ikalawang Tagapagtanong ang mga instrumento ng parusa, ang malaking aklat, at ang kwaderno. Malalaglag ang mga ito sa sahig.)
Serapio: Para sa ano?
Ikalawang Tagapagtanong: Para sa krimen mo.
Serapio: Krimen?
Unang Tagapagtanong: Huwag kang gumalaw masyado. (Bibigkasin nang sabay-sabay ang mga sumusunod na talumpati)
Serapio: Bitiwan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako!
Unang Tagapagtanong: Huwag mo kaming pagbibintangan. (Bubuhatin si Serapio ng mga Bantay at ihihiga sa mesa. Hahawakan nila ang kanyang paa’t kamay. Sisigaw at papalakpak ang mga pulubi.) Hawakan mo ang kamay niya! Hawakan mo ang kamay niya!
Ikalawang Tagapagtanong: Ang ulo niya! Hawakan n’yo ang ulo niya!
Serapio: Ano ba ang krimen ko? (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ang ano?
Ikalawang Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Ang krimen ko, ano ang krimen ko?
Unang Tagapagtanong: Relaks lang, relaks. (Mananahimik si Serapio) O, ano ang nais mong malaman?
Serapio: Ano ho ang krimen ko?
Unang Tagpagtanong: Ang krimen mo! ‘Yun lang pala.
Ikalawang Tagapagtanong: Di mo sinabi agad. (Pupulutin niya ang malaking aklat mula sa sahig)
Unang Tagapagtanong: Sigaw ka lang nang sigaw diyan. (titindig ang dalawang tagapagtanong sa plataporma, bubuksan ng Unang Tagapagtanong ang malaking aklat, at hahanap ng pahinang mababasa ang dalawang Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ang krimen ni Mang Serapio.
Dalawang Tagapagtanong:
Ang buhay ng tao’y lansangan sa hirap;
ang mundo’y daigdig ng kirot at dahas.
Pagsasala’y sakit ng ating pagkatao,
Pag-aaruga ang krimen ni Mang Serapio.
Krimen mo mang Serapio!
Unang Tagapagtanong: At wika pa sa aming aklat:
Dalawang Tagapagtanong:
Bawal mag-aruga ng bata o asawa,
ang taunang kita’y nawawalan ng pera.
Unang Tagapagtanong: Ginasta mo ang pera ng federacion para sa isang bata.
Ikalawang Tagapagtanong: Magpabulag ka na nang makauwi na tayo nang maaga.
Serapio: Ngunit wala naman akong batang inaaruga, a. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ano?
Serapio: Wala akong batang inaaruga. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, huwag ka nang magsinungaling.
Serapio: Hindi ako nagsisinungaling.
Unang Tagapagtanong: Huwag mong lokohin itong Hukuman.
Serapio: Wala akong niloloko.
Hukom: Ang parusa sa pagbubulaan sa Hukuman ay pagpipi.
Serapio: Sinasabi ko ang katotohanan. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Kaaamin mo lang na may anak ka.
Ikalawang Tagapagtanong: Narinig kita. Narinig ka naming lahat.
Unang Tagapagtanong: At itong anak mo’y isang babae.
Ikalawang Tagapagtanong: Ikaw mismo ang nagsabi.
Unang Tagapagtanong: Ang pangalan pa nga ay Sol.
Ikalawang Tagapagtanong: Sinabi mo ‘yan! Sinabi mo!
Unang Tagapagtanong: Hindi ba inaaruga mo siya?
Serapio: Si Sol ay patay na. (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Ha?
Hukom: Patay na siya, si Sol, patay na?
Serapio: Tatlong taon nang patay. Sinagasaan ng dyip. Patay na siya. Patay.
Unang Tagapagtanong: Tunay na malungkot ang iyong kuwento. Pinipiga mo ang aming puso.
Ikalawang Tagapagtanong: Walang alinlangang mahusay ka sa sining ng pagbobola.
Serapio: Patay na siya!
Unang Tagapagtanong: Nagsalaysay ka sana ng kuwentong higit na kapani-paniwala kaysa riyan.
Serapio: Totoo ang sinasabi ko! (Sandaling tigil)
Unang Tagapagtanong: Totoo ba? May tatlong saksi kami ginoo, tatlong saksi na nanubok sa’yo, araw, gabi.
Ikalawang Tagapagtanong: Dalawang linggo silang nagbantay.
Unang Tagapagtanong: Mga saksi sila sa krimen mo.
Serapio: Nagsisinungaling sila! Wala akong batang inaruga.
Unang Tagapagtanong: Titignan natin.
Ikalawang Tagapagtanong: Lalabas din ang katotohanan.
Unang Tagapagtanong: Kung sila ang nagsisinungaling, sila ang paparusahan, ngunit kung ikaw ang sinungaling – (Sa mga Pulubi) Pumarito sa harap ang tatlong saksi. (Titindig ang tatlong saksi)
Hukom: (Sa tatlong saksi) Kayo na naman?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: Kayo na lang palagi ang nagpapabulag sa iba.
Ikalawang Saksi: Talagang ganyan ho ang buhay.
Ikatlong Saksi: Manananggol lang ho kami ng kalinisan nitong federacion.
Unang Saksi: Mga tagapatnubay ng kabutihan nitong lipunan.
Hukom: Kayo ba ang unang nagsumbong ng kanyang krimen?
Unang Saksi: Oho.
Hukom: (Sa mga manonood) Pues, ayon ho sa batas ng aming federacion, kung mapapatunayan nila ang kanilang sakdal, kanila ang lahat ng kasangkapan ni Ginoong Serapio at diyes porsyento ng kanyang kinikita. (Lalakad ang tatlong saksi sa plataporma. Dadaluhungin kaagad ni Serapio ang Ikalawang Tagapagtanong)
Serapio: Buwaya!
Unang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) hawakan ninyo siya! (Hahawakan ng mga Bantay si Serapio at hihilahin sa sulok ng acting area sa gawing kaliwa ng lugar ng mga Pulubi. Titindig ang mga saksi sa plataporma.)Bawal dito ang kumilos nang ganyan. Igalang mo itong hukuman ginoo. (Sandling tigil)
(Sa Saksi): Ngayon, mga ginoo nitong marangal na federacion, sabihin ninyo sa amin ang inyong nakita kagabi.
Tatlong Saksi: Nakita naming siya, pauwing may dalang mamantikang supot sa kilikili niya, at susulyap-sulyap sa kana’t kaliwa, takot sa wari ko na matagpuan siya.
Dalawang Tagapagtanong: Takot sa wari ko na matagpuan siya.
Tatlong Saksi: Sinundan naming siya hanggang sa bahay niya, nagsitago kami’t narinig namin siya. Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Dalawang tagapagtanong: Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, pinagbibintangan kita ng krimen ng pag-aaruga ng bata. Bubulagin ka ngayon din!
Serapio: ‘yan ba ang inyong katibayan?
Unang Tagapagtanong: Oo, masaya na kami.
Serapio: Kulang pa ‘yang katibayan n’yo.
Ikalawang Tagapagtanong: At ano ang kakulangan?
Serapio: Si Sol, ang aking ‘”buhay” na anak. Mga tanga ang espiya ninyo!
Unang Tagapagtanong: Huwag kang magsalita nang ganyan sa harap namin.
Ikalawang Tagapagtanong: Kami’y mga opisyal nitong Hukuman.
Serapio: Akala na ninyo ay nahuli na ninyo ako, ano? Akala ninyo! (Sa tatlong saksi) May isa ba sa inyong nakakita sa “buhay” na anak ko? Wala!
Ikalawang Tagapagtanong: Wala ba sa inyong nakakita sa anak niya?
Unang saksi: Narinig naman naming siyang nagsalita sa anak niya, gabi-gabi, sa buong linggong nanubok kami. (Bibigkasin nang sabayang sumusunod na talumpati. Lalapitan at kakausapin si Serapio isa-isa ang mga manonood.) At kaya namin alam na alam ang mga sinabi niya ay sapagkat -
Serapio: Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat!
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio!
Unang Saksi: Sapagkat gabi-gabi sa isang takdang oras au naririnig namin siyang paulit-ulit na nagsasabing, “Heto na, Sol, kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula,” at inuulit niya ito gabi-gabi.
Serapio: Nagsisinungaling sila! Nagsisinungaling sila nang maging kanila lahat ang mga kasangkapan ko!
Ikalawang Tagapagtanong: Ngunit nakita ba ninyo ang anak niya?
Unang Saksi: Hindi.
Serapio: Ha!
Ikalawang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling kayo mapipipi kayo, mapipipi kayo!
Unang Tagapagtanong: (Kay Serapio) Narinig ka naming nagsalita sa anak mo!
Serapio: Kung talagang buhay ang anak ko, dalhin n’yo siya rito! Dudustain pa ninyo ang alaala niya. Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Husto na ‘yan, ginoo!
Serapio: Dalhin n’yo rito ang anak ko, kung buhay pa siya! At bulagin n’yo ako.
Unang Tagapagtanong: Kami’y nagpadala na, ginoo, kanina pa, ng dalawang kasapi nitong federacion sa iyong barung-barong upang agawin ang anak mo sa karaniwang oras ng pag-uwi mo. Nakabalik na sila. (Sa mga bantay) Nasaan sila? (Titindig ang dalawang Pilay)
Unang Tagapagtanong: O ano? Nasaan ang bata?
Unang Pilay: Wala.
Unang Tagapagtanong: Anong wala? Hindi ba kayo pumunta sa bahay niya?
Unang Pilay: Oho.
Unang Tagapagtanong: Hindi ninyo nahuli ang anak?
Unang Pilay: Wala hong bata roon.
Unang Tagapagtanong: Kung nagsisinungaling ka- (Hahampasin ang dalawang Pilay ng kanyang basto. Susukot ang mga Pilay)
Unang Pilay: Hindi ho.
Ikalawang Pilay: Wala ho kaming nakita. Wala ho.
Unang Pilay: Kundi isang baul.
Ikalawang Pilay: Itong baul ho, o. (Kakaladkarin nila ang baul sa hilagang gilid ng acting area.) (Katahimikan)
Unang Tagapagtanong: Saan ninyo ito nakita?
Unang Pilay: Sa barung-barong niya.
Unang Tagapagtanong: Sa barung-barong niya.
Ikalawang Pilay: Sa isang sulok, ho.
Unang Pilay: Nakatago sa ilalim ng mga lumang sako.
Unang Tagapagtanong: Lumang sako. At hindi n’yo pa ito nabubuksan?
Unang Pilay: Hindi pa ho.
Ikalawang Pilay: Nakakandado ho.
Unang Tagapagtanong: Nakakandado. (Sandaling tigil) Buksan ninyo ang baul. (Pupukpukin ng Pilay ng martilyo nang dalawang beses ang kandado ng baul)
Serapio: Wala ‘yang laman! Wala ‘yang laman! Isang lumang baul na nakita ko lang sa basurahan.
Unang Tagapagtanong: Ba’t mo tinatago Ginoong Serapio?
Serapio: Wala. Ginagamit ko sa bahay bilang upuan.
Unang Tagapagtanong: At bakit nakakandado?
Serapio: nakakandado na ‘yan nang nakita ko.
Unang Tagapagtanong: Nagsisinungaling ka, Ginoong Serapio. Bagung-bago ang kandado. Wala ni isang bakas ng kalawang. Ikaw ang nagkandado nitong baul.
Serapio: Nakakandado na ‘yan nang nakita ko!
Unang Tagapagtanong: Kung ganoon, Ginoong Serapio, hindi mo daramdamin ang pagbukas naming rito. (Sa Pilay) Buksan ang baul. (Dalawang hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi! Huwag.
Unang Tagapagtanong: Ginoong Serapio, pinagpapawisan ka.
Serapio: Wala ‘yang laman.
Unang Tagapagtanong: Bakit mo alam, Ginoong Serapio? Nagsinungaling ka kanina. Nabuksan mo na itong baul.
Serapio: Hindi!
Unang Tagapagtanong: Hala! Buksan mo! (Talong hampas ng martilyo)
Serapio: Huwag!
Unang Tagapagtanong: Bakit, Ginoong Serapio?
Serapio: Akin ‘yang baul.
Unang Tagapagtanong: Inamin mo rin.
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan.
Unang Tagapagtanong: Bakit? May itinatago ka ba sa amin?
Serapio: Balewala sa inyo ang laman niyan.
Unang Tagapagtanong: titignan natin. Ituloy ang pagbukas. (Apat na hampas ng martilyo)
Serapio: Hindi n’yo dapat pakialaman ’yan! Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?
Unang Tagapagtanong: Sasabihin ko sa’yo kung ano ang malalahad pagbukas namin nito! Katibayan ng krimen mo!
Serapio: Wala kayong matutuklasan diyan. (Uulitin niya ang linyang ito habangnagsasalita ang unamg Tagapagtanong)
Unang Tagapagtanong: Ano ang tinatago mo riyan? Ang mga damit ng anak mo? Ang mga laruan niya? Ituloy ang pagbukas! (Patuloy ang mga hampas ng martilyo habang nagsasalita ang Unang Tagapatanong at si Serapio)
Serapio: Huwag!
Unang Tagapagtanong: Wala kang kapangyarihan sa Hukuman ito, ginoo!
Serapio: Ngunit, akin ‘yang baul!
Unang Tagapagtanong: E, ano? E, ano?
Serapio: Huwag ninyong buksan ‘yan!
Unang Tagapagtanong: Pigilin mo kami! Pigilin mo kami!
Serapio: Papatayin ko kayo! Papatayin ko kayo!
Unang Tagapagtanong: (Sa mga Bantay) Hawakan ninyo siya!
Serapio: Ibubunyag ko kayo sa pulis! (Hihinto ang pagmamartilyo) Ibubunyag ko kayo sa pulis! Ibubunyag ko kayo at ang inyong kalupitan! Ibubunyag ko ang inyong pandaraya sa madla! Ibubunyag ko ang inyong pagmamalupit sa aming lahat; ibubunyag ko ang inyong sadyang pagpapabaya sa mga matatandang kasapi! Ibubunyag koitong federacion sa pulis! (Katahimikan)
Hukom: (Hahampasin ng Hukom ang kanyang podium) Walang makakatulong sa’yo, Ginoong Serpio, wala! (Kakaladkarin si Serapio ng mga Bantay sa patimog-silangang sulok ng acting area. Lumupagi si Serapio.) Ni ang pulis, ang pahayagan, kahit sino man sa mundong ito. Ang mga hiyaw mo’y di maririnig; ang bawat kilos mo’y mabibigo, walang papansin sa’yo. Dumaing ka pa, at bukas makalawa, matatagpuan ang iyomg maagang katawan sa mga itim na bulaklak ng Pasig. (sa mga pulubi) Tandaan ninyo ‘yan! May kuwarenta pesos kayong dapat ibigay sa federacion araw-araw. At ibibigay niyo ang perang iyan sa amin. At kapag hindi, kung kayo’y nakakakita, pipitasin namin ang inyong mga mata; kung kayo’y nakakapagsalita, puputulin namin ang inyong mga dila; at kung kayo’y nakakalakad, babasagin naming ang inyong mga buto; at kung di pa rin ninyo susundin ang batas na ito, ang bawat daliri ninyo’y isa-isang tatanggalin. Malungkot nga ang buhay sa federaciong ito, ngunit kasapi na kayo hanggang kamatayan. Kamatayan lamang ang makapaliligtas sa’yo kapag sumali ka sa federciong ito. Buksan ang baul!
(Patuloy na naman ang pagmamartilyo habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng mga hampas ng martilyo ang karamihan ng mga salita ng talumpati ni Serapio).
Serapio: Balewala sa inyo ang laman niyan. Balewala. Huwag na ninyong buksan. Balewala sa inyo ang laman niyan. (sandaling tigil) Hindi naman ninyo mauunawaan. Hindi naman ninyo mauunawaan. Kung tangkain kong magpaliwanag, kung tangkain kong sabihin sa inyo kung bakit, hindi naman ninyo mauunawaan. Pagtatawanan lamang ninyo ako. Anong masasabi ko sa inyo? (Sandaling tigil) Nabubulok na kamay, nabubulok na balat, nabubulok na laman, nabubulok na ugat, nabubulok na buto. (Masisira ang kandado; Katahimikan.) (Sisilip ang dalawang Tagapagtanong sa baul. Titindig ang ilang Pulubi. Itataas ng unang tagapagtanong ang isang manika.)
Unang Tagapagtanong: Manika? (tatakbo si Serapio at aagawin at hahagkan ang manika)
Serapio: Sol! Sol!
Unang Tagapagtanong: Si Sol! (magtatawanan ang mga pulubi)
(Patuloy ang tawanan ng mga pulubi habang nagsasalita si Serapio. Dapat lunurin ng tanawin ang mga linya ni Serapio.)
Serapio: Sol! Sol! Anak. Anak. Sol. Anak. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Sol. Sol. Anak. Ang bituin. Ang hangin. Sol. Ang langit. Hangin. Sol ko. Anak. Diwa. Imahen. Kristal at buhay. Buhay. Buhay. Sol. Anak ko. (Hihina ang tawanan ng mga Pulubi. Titigan ng buong korte si Serapio.) Larawan ni Consuelo. Sol na anak ni Sol. Sol. Kristal at diwa. (Tahimik ang buong korte.) Diwa. Diwa. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Ang hangin. Ang sinag. (Mapapansin ng Unang Tagapagtanong ang mga mukha ng mga Pulubi.) Ang araw. Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol!(Aagawin ng unang tagapagtanong ang manika.)
Unang Tagapagtanong: (Matinis) Tatay ka ng trapo? (Tatawa ng malakas ang mga Pulubi. Matinis ang tawanan nila.)
Serapio: Bitiwan mo siya. Bitiwan mo siya.
Unang Tagpagtanong: Ginasta mo ang pera ng federacion para rito?
Serapio: Pabayaan mo ako! Huwag mo akong pakialaman!
Unang Tagpagtanong: Isang pamahid sa tae ng kabayo! (Matinis na tawanan muli.)
Serapio: Ang anak ko ay maganda! At buhay. Buhay. Ang anak ko ay buhay at ang kagandahan ng araw.
Unang Tagpagtanong: Kapok! (Hahagutin niya ang manika; katahimikan; Biglang lulundag si Serapio sa Tagapagtanong.)
Serapio: Bitiwan mo siya! (Tatakbo ang TAGAPAGTANONG sa kanyang mesa’t ihahagis ang manika sa mga Pulubi.)
Unang Tagapagtanong: Kunin mo siya! (Sisigaw ang mga Pulubi’t sasaluhin ang manika sa iba’t ibang sulok ng silid habang nagsisigaw at nagsisitawiran. Hahabulin naman ni Serapio ang manika. Mahahagis ang manika sa sahig, ngunit bago mapulot ni Serapio ang manika, sisigaw ang Unang Tagapagtanong.)
Bulagin natin siya! Bulagin! (Uulitin ng mga Pulubi ang sigaw…Kakaladkarin nila si Serapio sa plataporma. Lahat sila’y nagsisigaw at nagtatawanan. Biglang maririnig ng mga manonood ang hiyaw ng binulag na Serapio. Biglang tatahimik ang mga Pulubi’t lalayo kay SerapioBabangon si Serapio.Duguan ang kanyang mukha. Duguan din ang mga kamay ng ilang mga Pulubi; gayundin ang kanilang mga damit. Walang-imik ang mga Pulubi’t si Serapio. Susuray-suray na lalakad si Serapio. Mararapa siya’t gagapang. Aapuhapin niya ang manika. Biglang lalabas ang mga Pulubi maliban sa tatlo. Papalibutan nila si Serapio kasama ng mga tagapagtanong. Mahihipo ni Serapio ang manika, ngunit bago niya makuha ito, sisipain ng isang pulubi ang manika sa Pulubing nasa likod ni Serapio. Uulitin itong laro ng Hipo-Sipa. Biglang titigil ang mga Pulubi’t Tagapagtanong. Lalabas ang mga Pulubi. Aakapin ni Serapio ang manika. Wala siyang imik.)